Bakit si BBM?
Matagal ko ng pinag-iisipan kung bakit tatlongput-anim na taon nang nakalipas ang People Power Revolution, marami pa ring Pilipino ang naniniwala na “Golden Years” ang buhay noong panahon ng Batas Militar sa pamamahala ng diktador na si Ferdinand E. Marcos.
Kung tatanungin mo ang mga taong ito kung bakit, ang kadalasang sagot nila ay tahimik daw noon, walang mga magnanakaw, at maunlad ang bansa dahil may mga itinayong gusali at tulay gaya ng Cultural Center of the Philippines at ang San Juanico Bridge.
Pag ipinaliwanag mong maraming dinukot, pinapatay, at tinortyur na mga estudyante, manggagawa, guro, magsasaka, pari, at iba pa ang militar sa utos ni Marcos, hindi sila naniniwala kahit dokumentado pa ng Amnesty International at Human Rights Watch, dalawang kilalang organisasyon, ang maraming kaso ng paglabag sa karapatang pangtao ng mga Pilipino.
Pag ipinaliwanag mong milyon-milyong dolyar ang ninakaw ni Marcos sa kaban ng bayan, hindi sila naniniwala kahit may desisyon na ang Korte Suprema noong 2003 pa na nagnakaw si Marcos sa kaban ng bayan. Si Imelda Marcos mismo ay nahatulan ng graft at korapsyon noong 2018.
Pag sinabi mong dumami ang mga katiwalian at cronies ni Marcos na nagpayaman noong panahon ng Batas Militar, gaya ng pamilya Floirendo, Cojuangco, Benedicto, Tan, Cuenca at iba pa, hindi sila naniniwala.
Pag sinabi mong bagsak ang ekonomiya noong panahong yon, hindi pa rin sila naniniwala kahit dokumentado ng mga ekonomista na 6 sa 10 Pilipino ang mahirap at ang presyo ng mga bilihin ay tumaas. Ang dating nabibili ng P100 noong 1976 ay halos umabot na sa P400 noong 1986 nang pinatalsik ang mga Marcos.
Sabi ng isa kong kaibigan, mahirap paniwalain ang ayaw maniwala, kahit alam nilang niloloko sila. Siguro nga. At sabi naman ng iba, mahirap gisingin ang nagtutulog-tulugan.
Sa darating na halalan, plano ng mga Marcos na angkinin muli ang Malacanang sa pamamagitan ni Bongbong Marcos na tumatakbo sa pagka-presidente.
Nakakalungkot isipin na karamihan sa mga sumusuporta kay Bongbong ay naniniwala sa mga maling impormasyon na ikinakalat sa social media ng mga bayarang trolls.
Sa tingin ko, resulta din ito ng sistemang pang-edukasyon na hindi itinuro sa mga kabataan kung ano nga ba talaga ang idinulot ng Batas Militar sa sambayanang Pilipino. Sa simpleng salita, wala sa kurikulum ng mga mag-aaral ang naging papel ng mga Marcos noong panahon ng Batas Militar.
Sabi ng isang titser sa akin, hindi pinag-uusapan ang Batas Militar sa klase at kung pinag-uusapan man ay pahapyaw lang dahil sa kakulangan ng mga materyales pang-edukasyon na batay sa sayantipikong pananaliksik.
Kaya’t milyon-milyong kabataan ang nagsitapos sa loob ng mahigit tatlong dekada pero kulang sa kritikal na pag-iisip kung pano nila susuriin ang mahigit na labing-apat na taong paghahari ng mga Marcos sa bansa. Talagang nakakalungkot.
Subalit ang mas nakakalungkot isipin ay ang mga politiko, na kahit nakita nila ang kahirapan ng mga tao noong panahon ng Batas Militar, ay patuloy na nagbubulag-bulagan at lantarang sumusuportang makabalik ang mga Marcos sa Malacanang.
Ang tinutukoy ko ay sina Gloria Arroyo, Joseph Estrada, at Inday Sara Duterte na nagsanib pwersa kasama ng mga Marcos para suportahan ang kandidatura ni Bongbong.
Marami pang politiko dyan na balimbing, walang prinsipyo at nagnanais lamang ng kapangyarihan at nag-iisip lang ng pansariling interes kaya sumusuporta kay Bongbong. Sa tingin nila si Bongbong ang pinaka pwedeng manalo sa darating na halalan na propotektahan ang kanilang makasariling interes.
Ano ba naman yan? Ano bang klaseng mga tao ang yuyuko sa ganitong kababang lebel para lang magkaroon ng kapangyarihan?
Wala naman daw kasalanan ang anak sa ginawa ng ama, sabi nila.
Hindi na nila naisip na si Bongbong at ang nanay nya ang administrador ng nakaw na yaman na tinatantsang aabot US$5 bilyon hanggang US$13 bilyon na hindi pa nila ibinabalik sa mga Pilipino. Nakikinabang si Bongbong sa nakaw na yamang ito. Kaya hindi pwedeng walang kasalanan si Bongbong. Hindi rin pwedeng hindi ito isyu sa darating na halalan.
Ayon kay dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) Ruben Carranza, “Ibig sabihin si Ferdinand Marcos Jr. ang susi ng kayamanang hanggang ngayon tinatago pa nila.”
Hindi rin pwedeng walang kasalanan o pananagutan si Bongbong dahil sa ginagawa niyang kasinungalingan para baguhin ang kasaysayan ng Batas Militar para lang maging mabango ang pangalan at imahen ng kanyang ama sa mata ng mga tao.
At gaya ng nabanggit ni Antonio Carpio, dating miyembro ng Korte Suprema, hindi rin nagbayad si Bongbong ng estate tax na aabot na sa P203 bilyon.
Kaya sa mga Pilipinong bilib na bilib kay Bongbong na kumpirmadong sinungaling at nahatulan sa kasong hindi pagbayad ng buwis noong siya ay bise-gobernador sa Ilocos Norte, ito ang sinabi ni Rudy Farinas, dating gobernador at kongresista ng Ilocos Norte, sa isang panayam sa DZME noong Nobyembre 22, 2021, “Noong gobernador si Bongbong, wala naman po siyang naibigay.” Kaya kung susundan natin ito, kung wala naman nagawa si Bongbong para sa Ilocos Norte noong siya ang gobernador doon, ano ang magagawa niya para sa Pilipinas?
Kaya ang tanong: Bakit si BBM?
Comentarios