Sa Likod ng Pulo ng Kaalaman: Isang propesyon na dakila at huwaran
Ni Rosalie Z. Mora, Head Teacher III Pili National High School
Anong gusto mong maging paglaki mo?
Hindi na bilang sa daliri kung gaano ito kadalas itanong saaming mga mag-aaral, sa sanaysay man o kaya'y pag nagpapakilala sa klase sa unang araw ng pasukan — pulis, artista, abugado, doktor, pero ang halos lagi’t lagi kong marinig na isagot ay ang maging isang guro.
Pag-unawa, sipag, may malasakit, pasensiya, handang mag alay ng oras, pagmamahal at katapatan sa napiling propesyon — ito'y ilan lamang sa mga salitang madalas maiugnay sa isang huwarang guro. Ani nga nila, ang propesyong ito ay isa sa pinaka marangal na landas na maaring tahakin ninuman hangga't taglay nila ang dedikasyon at determinasyon na magturo. Subalit, ano nga ba ang kaakibat na tungkulin ng propesyong ito? Saan umiikot ang pagiging isang GURO?
Ang silid-aralan, isang tila karaniwang espasyo, may mga silya, bintana, at mga mag-aaral na nagkwe-kwentuhan, subalit pagpasok ng isang guro, ito'y nagiging isang masiglang espasyo ng pagkatuto.
Sa pormal na pagpapa- kahulugan ng Wikipedia, ang guro ay isang indibidwal na nagbibigay ng edukasyon para sa mga mag-aaral na karaniwang gampanin ay kadalasang umiikot sa pormal at umiiral. Ito'y isinasagawa sa isang paaralan o ibang lugar sa edukasyon. Kadalasan sa mga bansa, ang isang tao na nagnanais na maging isang guro ay nararapat na makakamit muna ng tinukoy na mga kuwalipikasyong pamprupesyon o mga kredensiyal magmula sa isang pamantasan o dalubhasaan.
Subalit, mula sa mata ng isang mag-aaral, higit pa sa “isang indibidwal na nagbibigay edukasyon” ang mga guro. Sila’y mga taong itinuturing natin bilang mga pangalawang magulang, nagbibigay ng balikat na masasandalan, mga taong mapagkakatiwalaan, yung tipong maari nating mapagsabihan ng ating mga problema at agam-agam na alam nating sa halip na tayo'y husgahan, sila ang unang yayakap at magtitiwala. Mga tagapayo, kanilang ginagabayan ang mga mag-aaral sa bawat hakbang, nagbibigay ng suporta, paalala, at inspirasyon sa bawat suliranin.
“Mother of all professions” kung tawagin, kanilang hinuhubog ang kakayahan, talento, at talino ng bawat mag-aaral na kanilang matuturuan ng mga aral na hindi lang siksik sa kaalaman ngunit maging sa mga aral na kanilang magagamit sa pakikipagsapalaran sa buhay. Bago pa man maging isang ganap na pulis, isang doktor, politiko, o kahit ano pa mang propesyon, sila'y tinuturuan at hinuhubog ng isang guro. Sila ang nagpapasa ng kaalaman sa mga dalubhasa ng kasalukuyan.
Sa kabila ng hindi mabilang na oras sa paghahanda ng aralin, sa lumalaking bilang ng mga mag-aaral sa klase, sa pagtaas ng mga pangangailangan sa edukasyon, at sa iba’t ibang suliranin na kinakaharap ng mga guro, sila'y patuloy na nagsusumikap upang makapagturo at makapagbigay ng serbisyong hindi matatawaran.
Ang kanilang dedikasyon ay hindi nagbabago, pinapatakbo ng paniniwala na ang bawat bata ay may potensyal na makamit ang matagumpay na kinabukasan.
Ang kanilang pagma-mahal at katapatan bilang isang lingkod bayan ay hindi lamang nagdudulot ng kabutihan para sa mga mag-aaral ngunit maging sa buhay natin bilang mga mamamayan. Ang pagiging guro ay higit pa sa isang propesyon; ito ay masasabi nating isang misyon — nagmumula sa puso, isang pagnanais na makapagbigay ng inspirasyon, gabay, at kaalaman sa mga susunod pang henerasyon.
留言